Manila, Philippines – Nagpapatuloy ang monitoring ng Philippine Competition Commission (PCC) sa merger ng Grab at Uber Philippines para maprotektahan ang publiko.
Sa interview ng RMN Manila kay PCC Commissioner Stella Luz Quimbo, nagpalabas sila interim measures hinggil sa mga hindi dapat at dapat na gawin habang nagpapatuloy ang motu-propio review sa pagsasanib ng dalawang kompanya.
Giit ni Quimbo, kailangan pumasok ng PCC sa usaping ito para alamin kung ano ang epekto nito sa merkado.
Paliwanag ng commissioner, kahit na hindi umabot sa P2 billion ang threshold sa merger ng dalawang TNVs ay kailangan nilang bantayan ang revenue asset nito.
Kahapon, kinumpirma ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na isinara na ang operasyon ng Uber Phils.