TNVS priority booking fee, hindi nararapat ayon sa isang senador

Iginiit ni Senator Grace Poe na hindi dapat namimili ng pasahero ang ating mga pampublikong transportasyon at wala dapat lugar ang anumang hindi makatuwirang singil.

Inihayag ni Poe sa harap ng priority booking fee na sinisingil ng transport network vehicle service o TNVS.

Ayon kay Poe, obligasyon ng mga TNVS na ilatag ng malinaw ang bawat sinisingil nila sa mga pasahero at ipatupad ito nang makatarungan.


Ipinunto ni Poe na mula sa pinagkakasyang kita, pilit na naglalaan ang marami nating kababayan ng pambayad sa mas maginhawang masasakyan para makarating ng matiwasay sa kanilang hanapbuhay.

Bunsod nito ay kinalampag ni Poe ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa anumang iligal na priority booking fee, kung saan maaaring pumili ng pasaherong makapagbibigay ng mas malaking bayad kaysa ibang hindi na kaya pang magdagdag ng anumang halaga.

Umaasa si Poe na agad aaksyunan ng LTFRB para matiyak na hindi na mabibiktima ang ating mga kababayan ng anumang mapang-abusong mekanismo.

Facebook Comments