Ilocos Norte – Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng tinaguriang Ilocos six at ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos na humihiling na ipatigil ang imbestigasyon ng Kamara kaugnay ng tobacco excise tax fund.
Ang Ilocos six ay mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte na ikinulong noong May 29, 2017 sa kamara matapos hindi magustuhan ng mga kongresista ang sagot nila tungkol sa mga biniling sasakyan mula sa tobacco excise tax fund na P66.45 million.
Sa deliberasyon ng Korte Suprema, pinagtibay nito ang kapangyarihan ng Kongreso na magsagawa ng pagdinig at imbestigasyon.
Isinaalang-alang ng Korte Suprema ang doktrina ng separation of powers at kinilala ang constitutional prerogative ng sangay ng lehislatura.
Idineklara naman ng Korte Suprema na moot and academic na ang habeas corpus petition na inihain ng kampo ng Ilocos six na iniakyat mula sa Court of Appeals dahil napalaya na ang nasabing mga empleyado mula sa kustodiya ng Kamara.