TODA Distrito 3, Muling Isinaayos

Cauayan City, Isabela – Matapos ang ginawang pagpili ng mga bagong opisyal ng TODA District 3 sa ginanap na eleksyon at pagtitipon kahapon, maaasahan umano na mas magiging madali at komportable na ang pagkuha ng masasakyang traysikel sa nasabing distrito sa pamamagitan ng mga lehitimong istasyon at pilahan ng traysikel sa naturang barangay.

Ito ang ibinahagi ni Ginoong Bagnos Maximo Jr., punong barangay ng District 3, sa ginawang panayam ng RMN Cauayan News Team kahapon, Pebrero 3, 2018.

Aniya, binigyang linaw sa ginanap na pulong ang pagbibigay pahintulot sa mga miyembro ng TODA District 3 na makapila kahit saang istasyon sa ilalim ng hurisdiksyon ng nasabing barangay basta’t may sticker ang mga ito ng TODA District 3 Seal.


Prayoridad rin umano sa mga nasabing pilahan ang mga taga distrito tres subalit kanila pa ring pag-aaralan kung magpapapasok ba sila ng ibang miyembro ng TODA upang makapila sa kanilang mga istasyon.

Kung masusunod umano ang lahat ng napagkasunduan sa pulong, maiiwasan ang pagdami ng nakatambay na traysikel sa iisang lugar sa lungsod na karaniwang nagdudulot ng abala sa mga mamimili at kakulangan ng espasyong mapaparadahan.

Giit pa ng kapitan, pananatilihin din na laging may nakapila sa bawat istasyon upang masigurong may masasakyan ang publiko.

Mas magiging madali rin umano ang pagpapabot ng reklamo sa mga umaabusong drayber dahil may mga board of director ang bawat pilahan na mangangasiwa at regular na magmomonitor sa galaw ng miyembro at mga pumipila dito.

Dagdag pa ni Brgy. Capt. Maximo, bagama’t matagal na panahon ding napabayaan ng dating mga opisyales ng TODA District 3 ang kanilang mga miyembro, sisikapin naman niya kasama ang mga bagong halal na mga opisyal ng TODA na maisaayos, gawing disiplinado at responsible ang mga tsuper ng traysikel sa distrito tres.

Facebook Comments