Tokhang style para sa pagsugpo sa insurgency sa Cordillera, suportado ng PNP

Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang pagsisikap ng Cordillera Regional Peace and Order Council (RPOC) para magkaroon ng mga bagong pamamaraan upang matapos na ang dekada nang problema ng bansa sa communist insurgency.

Inihayag ni PNP Chief General Guillermo Eleazar ang pagsuporta matapos ang planong paglulunsad ng grupo ng kanilang Dumanun Makituntong o mala-Oplan Tokhang na kampanya laban sa mga aktibista o mga pinaniniwalaang konektado sa front organizations ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Ayon kay PNP Chief, handa silang magbigay ng tulong sa konseho basta’t hindi ito lalabag sa karapatang pantao ng kanilang mga magiging target sa mala-Oplan Tokhang style.


Inutos naman ni PNP Chief sa Police Regional Office Cordillera (PROCOR) na makipag-ugnayan sa kanilang RPOC para sa kaukulang hakbang kaugnay rito.

Ang Dumanun Makituntong ay mula sa salitang Ilokano na maihahalintulad sa Toktok Hangyo ng mga Bisaya na ang ibig sabihin ay kumatok at magbahay-bahay na paraan ito para magtanong at kausapin ang mga pinaghihinalaang sangkot sa anumang iligal na aktibidad.

Facebook Comments