Toll holiday, dapat ipatupad sa harap ng mga aberya sa RFID system

Iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagpapatupad ng toll holiday o hindi muna paniningil ng toll bilang tugon sa reklamo ng mga motorista laban sa depektibong Radio-Frequency Identification (RFID) sensors na isang dahilan para magkabuhol-buhol ang daloy ng trapiko sa mga expressways.

Tinukoy rin ni Gatchalian ang pag-amin ng North Luzon Expressway (NLEX) na may technical glitches sa kanilang sistema, kabilang na ang hindi gumaganang RFID sensors sa mga sasakyan.

Kaugnay nito, inihain din ni Gatchalian ang Senate Resolution No. 587 na layuning mabusisi ng Senado ang minimum performance standards compliance ng toll operators na nakapaloob sa concession agreements nila sa pamahalaan.


Kasama ring sisilipin sa pagdinig ang kapangyarihan at mandato ng Toll Regulatory Board (TRB), ang ahensiyang namamahala sa operasyon ng lahat ng toll roads sa bansa.

Giit ni Gatchalian, dapat mabusisi ang mandato ng TRB lalo na’t binigyan ito ng kapangyarihang humawak at mangialam sa lahat ng toll roads sa bisa ng Presidential Decree 1112 na siyang bumuo ng naturang ahensiya.

Facebook Comments