Toll Regulatory Board, napuna ng isang kongresista kung nagagawa ba talaga ang trabaho

Sinisisi ngayon ng isang kongresista ang Toll Regulatory Board (TRB) dahil sa palpak na implementasyon ng radio-frequency identification (RFID) technology.

Iginiit ni House Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento na hindi nagkulang ang Kamara sa pagpapaalala sa TRB na ayusin muna ang lahat ng isyu bago ipatupad ang cashless transaction sa mga tollways.

Ayon kay Sarmiento, hindi sana mangyayari ang matinding pagsisikip sa North Luzon Expressway (NLEX) kung ginagawa ng TRB ang kanilang trabaho.


Paliwanag ng kongresista, kung ginagawa ng TRB ang kanilang trabaho ay tiyak na umpisa pa lang ay naaksyunan na ang mga technical problems na kinakaharap ngayon sa cashless transaction system.

Partikular aniya na dapat tiniyak dito ng TRB na gumagana ang mga machines at iba pang equipment.

Inirekomenda rin ni Sarmiento sa ahensya na makipag-ugnayan sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) tungkol sa pangongolekta ng bayad sa ikinakabit na RFID stickers.

Malinaw aniya sa Republic Act 11127 o National Payment Systems Act na BSP ang may authority para dito.

Ikinumpara pa ng kongresista na sa Thailand at Indonesia ay inabot ng isang taon at kalahati bago tuluyang naipatupad ang cashless transaction habang limang buwan pa lamang ang nakakalipas nang ipatupad sa bansa ang cashless payment.

Facebook Comments