Tone-toneladang sibuyas mula sa Central Luzon, dinala ng DA sa ilang mga simbahan sa QC

Umarangkada na rin ang paggamit ng Department of Agriculture (DA) sa mga kooperatiba ng simbahan para bagsakan ng sibuyas at iba pang ani ng mga magsasaka sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Ngayong araw ay aabot sa apat na tonelada ng sibuyas na galing ng Nueva Ecija ang ibinagsak sa Diocese of Novaliches sa Quezon City.

Ayon kay DA Asistant Secretary James Layug, bago pa ibagsak ay sold na agad ang 4,000 kilos ng sibuyas sa 15-parishes pa lamang na umorder ng produkto.


Aniya, tugon ito ng ahensya para matulungan ang mga magsasaka sa nararapat na presyo at matulungan din ang mga consumer na makabili ng sibuyas ng mas murang sibuyas kumpara sa mga palengke.

Sabi ni Asec. Layug, isa ito sa paraan ng gobyerno para maghatid ng mas mababang presyo ng mga produktong agrikultura sa malalaking lungsod partikular na sa Metro Manila.

Ayon naman kay Father Roland Jaluag, parish priest ng Barangay Holy Spirit sa QC at head ng Parish Consumers Cooperative ng Diocese of Novaliches na ₱90 nila binili sa mga magsasaka ang produkto at hanggang ₱120 per kilo ibebenta sa publiko.

Sa monitoring ng DA, nasa ₱200 pa rin ang kada kilo ng sibuyas sa mga palengke sa Metro Manila.

Sa ngayon ay mayroon nang memorandum of agreement (MOA) na pinirmahan ang DA at Caritas Manila para magamit ang mga kooperatiba ng simbahang katolika sa pagtitinda ng murang sibuyas at kalaunan ay iba pang mga produkto.

Facebook Comments