Camp Marcelo A. Adduru, Tuguegarao City – Matagumpay na naaresto ang numero unong Top Most Wanted Person at apat na iba pa mula Cagayan at Isabela bilang bahagi sa kampanya ng kapulisan ang paghuli sa mga wanted sa batas.
Sa impormasyong ibinahagi sa RMN Cauayan ni Police Superintendent Chevalier R. Iringan, Chief Regional Public Information Office, unang nahuli nitong Marso bente uno ang number one most wanted na si Oscar Umali o kilala sa pangalang OKA, singkwentay uno anyos, residente ng Sitio Pinutulan, Barangay Cappissayan Norte, Gattaran, Cagayan, kung saan ang pagkakaaresto kay Umali ay sa pangunguna ni Police Chief Inspector Rodel R. Tabulog ng PNP Gattaran.
Si Umali ay may kasong apat na beses na panggagahasa at ang warrant of arrest ay ipinalabas ni Honorable Judge Oscar T. Zaldivar ng RTC Branch 8, Aparri Cagayan at walang nairekomendang bail bond para kay Umali.
Sa kaparehong araw at sa ikinasang warrant of arrest ng PNP Aparri ay naaresto naman si Ramces Duritan, trentay otso anyos, may asawa, isang magsasaka at residente ng Aparri, Cagayan.
May kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act si Duritan at naaresto sa pamamagitan ng warrant of arrest na ipinalabas ni Honorable Neljoe A. Cortes ng RTC Branch 6 na may nairekomendang bail bond na dalawang daang libong piso (Php 200,000.00).
Sa nakalipas na Marso bentedos, hindi nakaligtas sa batas si Ricky Pascual, kwarentay uno anyos, residente ng Malamag East, Tumauini, Isabela dahil sa kasong Qualified Trespass to Dwelling.
Naaresto rin si Jaype Cabasag, trentay uno anyos, residente ng Malibabag, Penablanca, Cagayan sa kasong Attempted Homicide.
Kabilang din si Charito Nacino, singkwentay anyos, residente ng Barangay Tagaran, Cauayan City, Isabela sa kasong Adultery o pangangaliwa na naaresto sa Rivera Street, District 2, Cauayan City.
Samantala sa naging mensahe ni Police Regional Office 2 Director Chief Superintendent Jose Mario A. Espino na mas paiigtingin ng kapulisan ang paghahanap sa mga kriminals sa buong Cagayan Valley para sa kaligtasan at seguridad ng taong bayan.