
Matagumpay na naaresto ng Taguig City Police ang lahat ng indibidwal na nakalista sa Top 10 Most Wanted ng estasyon noong Enero, taong kasalukuyan.
Ayon kay Taguig Police Chief PCol. Julius C. Añonuevo, ang nasabing accomplishment noong nakaraang buwan ay naging posible dahil na rin sa patuloy at intelligence-driven na mga operasyon sa koordinasyon sa iba pang units ng National Capital Region Police Office at sa iba pang law-enforcement elements.
Ang mga naaresto ay sangkot sa mga service warrant na may kaugnayan sa Statutory rape, iba pang mga krimen laban sa tao, at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kabilang na ang illegal possession of dangerous drugs sa Taguig at karatig nitong mga lugar.
Kaugnay nito, pinuri naman ni Taguig Mayor Lani Cayetano ang mga police officers para sa kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng seguridad sa Taguig at binigyang diin ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ay esensyal sa long-term vision ng nasabing lalawigan.
Tiniyak naman ni Añonuevo na patuloy ang kanilang mga operasyon sa mga susunod pang mga buwan para masiguro na ang kaligtasan sa lugar ay nararamdaman sa bawat barangay na sakop nito.










