Top 2 Carnapper sa Region 02, Arestado!

Bumagsak sa kamay ng mga alagad ng batas ang nasa top 2 most wanted person na carnapper sa buong Region 02 matapos na mahuli habang narekober naman ang isa pang traysikel sa magkahiwalay na operasyon ng Provincial Highway Patrol Team o PHPT ng Isabela.

Sa isinagawang implementasyon ng Anti-Carnapping R.A 10883 ni P/Maj. Michael Bongtayon, Provincial Officer ng PHPT ng Isabela ay naaresto si Paulo Balcina Evangelista, 24-anyos at residente ng Purok 5, Rufino Roque Village, Rizal, Santiago City.

Nahuli si Evangelista sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Hon. Efren Cacatian, Presiding Judge ng Branch 35, 2nd Judicial Region sa kasong carnapping na may piyansang P300,000 para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.


Samantala, narekober naman ng mga otoridad ang isang abandonadong traysikel sa bahagi ng Brgy.San Juan, Alfonsolista, Ifugao.

Base sa pagsisiyasat ng PHPT Isabela ang narekober na traysikel ay pag-aari umano ng isang Alberta Cortez ng Purok 7, Calao East, Santiago City.

Kaugnay nito, agad din na ipinasakamay ng PHPT-Isabela ang naturang traysikel kay Cortez.

Facebook Comments