TOP 2 MOST WANTED SA KASONG CARNAPPING, NASAKOTE NG DAGUPAN CITY POLICE

Matagumpay na naaresto ng Dagupan City Police Office (DCPO) ang Top 2 Most Wanted Person sa antas-lungsod kaugnay ng paglabag sa Anti-Carnapping Act, bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng kapulisan laban sa kriminalidad.

Isinagawa ang pag-aresto bandang alas-6:00 ng gabi noong Disyembre 14, 2025, sa isang joint operation sa Barangay Baro, Asingan, Pangasinan.

Naaresto ang isang lalaking residente ng Barangay Pogo Chico, Dagupan City.

Naisagawa ang operasyon sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong paglabag sa Anti-Carnapping Act, na may inirekomendang piyansa na tatlong daang libong piso.

Alinsunod sa standard operating procedures, ang pagsisilbi ng warrant ay naitala gamit ang body-worn camera at alternatibong recording device.

Matapos ang pag-aresto, isinailalim ang suspek sa medico-legal examination, bago dinala sa Dagupan City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.

Patunay naman umano ito ng matibay na paninindigan ng kapulisan na panagutin ang mga lumalabag sa batas at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod ng Dagupan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments