Top 4 Most Wanted Person sa Region 2, Nakorner sa Quirino

20

Cauayan City, Isabela- Bumagsak na sa kamay ng mga alagad ng batas ang itinuturing na Top 4 Most Wanted Person ng Regional Highway Patrol Unit (RHPU) 2 matapos maaresto sa Rizal, Diffun, Quirino.

Natimbog ng mga pinagsanib-pwersa ng Diffun Police Station, Quirino Provincial Highway Patrol Team, Regional Intelligence Unit 2, Quirino Provincial Intelligence Unit, Quirino Criminal Investigation and Detection Team at ng 1st Quirino Provincial Mobile Force Company ang suspek na kinilalang si Jaymar Rivera, 21 taong gulang, construction worker at residente ng Purok 3 sa barangay Rizal ng nasabi rin bayan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang krimen noong taong 2018 kung saan labing pitong taong gulang pa lamang noon ang suspek kasama ang iba pang mga menor de edad nang masangkot sa pagnanakaw ng mga piyesa o ilang mahahalagang parte ng motorsiklo.


Ang mga ninanakaw na piyesa ng motorsiklo ay iniipon at inaayos ng kanyang grupo para makagawa ng isang bagong motorsiklo.

Dinakip si Rivera sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 32, Cabarroguis, Quirino para sa kasong paglabag sa RA 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP Diffun ang suspek at hinihintay na lamang na mapasakamay ito sa korte.



Facebook Comments