TOP 5 MOST WANTED PERSON SA QUIRINO, NADAKIP NG MGA AWTORIDAD

CAUAYAN CITY – Nadakip na ng mga awtoridad ang isang indibidwal na sangkot sa kasong panggagahasa sa Brgy. Maria Clara, Diffun, Quirino noong ika-27 ng Enero taong kasalukuyan.

Kinilala ang suspek na isang estudyante at tinaguriang Top 5 Most Wanted Person sa lalawigan ng Quirino.

Ayon sa mga awtoridad, ang insidente ng panggagahasa ay naganap noong ika-19 ng Nobyembre 2023 habang ang biktima ay natutulog sa kwarto ni alyas “Leslie” matapos ang isang inuman sa selebrasyon ng kaarawan ni alyas “Leslie.”


Naaresto ang suspek sa bisa ng isang warrant of arrest na inisyu ni Atty. Remalie C. Corbe-Cardenas, acting Presiding Judge ng RTC Branch 31, Cabarroguis, Quirino. Ayon sa korte, walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.

Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsamang pwersa ng Diffun Police Station, Quirino Provincial Intelligence Unit (QPIU), at 1st Quirino Provincial Mobile Force Company (QPMFC).

Facebook Comments