Top CPP commander ‘Ka Oris’, patay sa engkwentro sa Bukidnon

Patay sa engkwentro kahapon sa Bukidnon ang isang leader ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Ayon sa 4th Infantry Division ng Philippine Army, nangyari ang engkwetro sa bulubunduking bahagi ng Barangay Dumalaguing, Impasugong dakong alas 11:30 ng umaga.

Nasawi sa halos kalahating oras na engkwentro si George “Ka Oris” Madlos at isa pang rebelde.


Narekober sa lugar ang isang M14 rifle, isang KG9 rifle, mga bala at iba pang war material at iba’t ibang gamit.

Ayon sa militar, ikinasa nila ang operasyon matapos na makatanggap ng impormasyon na may armadong grupo na nagsasagawa ng “teach-ins” at “indoctrination” sa kanilang komunidad.

Nabatid na si Madlos ang most wanted New People’s Army commander sa bansa.

Kabilang sa mga kaso niya ay robbery with double homicide at damage to properties, multiple murder at double frustrated murder.

Kaugnay nito, sinabi ni 4ID commander Major General Romeo Brawner Jr. na naisilbi na ang hustisya para sa mga inosenteng sibilyan at mga komunidad na ginulo ng mga terorista sa loob ng ilang dekada.

Kasabay nito, hinikayat niya ang mga rebelde na magbalik-loob sa gobyerno.

Facebook Comments