TOP MOST WANTED NA NANGGAHASA NG 160 BESES SA STEPDAUGHTER, HULI SA CAGAYAN

Cauayan City, Isabela- Nakorner na ng mga otoridad ang Top most wanted person sa Rehiyon dos sa Barangay Nanguilattan, Peñablanca, Cagayan.

Nagsanib pwersa ang mga elemento ng Peñablanca Police Station, 1st Cagayan PMFC at ng 204th Mobile Company ng Regional Mobile Force Battalion 2 para isilbi ang warrant of arrest na nagresulta sa pagkakaaresto ni Michael Marcos, 36 taong gulang, may-asawa at residente sa nabanggit na barangay.

Batay sa isinilbing warrant of arrest na may petsang Oktubre 4, 2021, si Marcos ay nahaharap sa kasong 160 beses na panggagahasa sa kanyang mismong stepdaughter.


Dahil sa bigat ng kaso ni Marcos, walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Ayon sa salaysay ng biktima na itinago sa pangalang “Andrea”, ibinunyag nito na nagsimula ang panggagahasa ng kanyang stepfather noong Setyembre 2019 at siya ay nasa 13 taong gulang pa lamang noon.

Nagtuloy-tuloy na rin ani ng biktima ang pang-aabuso at panghahalay ng suspek kung saan hinahalay siya nito ng apat (4) na beses sa isang Linggo hanggang noong Hunyo 25 ng taong 2020.

Pinagbantaan umano ng suspek na papatayin nito ang biktima kung magsusumbong ito sa ibang tao.

Nakapag sumbong naman ang biktima sa kanyang Tiyahin at naidulog ang insidente sa himpilan ng pulisya noong ika-3 ng Hulyo 2020.

Base pa sa ulat ng pulisya, iniwan ang biktima sa kustodiya ng stepfather nang magtungo sa ibang bansa ang kanyang nanay noong taong 2017.

Kasalukuyan namang nasa himpilan ng PNP Peñablanca ang suspek at anumang araw ay ipapasakamay sa court of origin.

Facebook Comments