Cauayan City, Isabela- Nadakip ng mga operatiba ng Solano Police Station kasama ang Regional Intelligence Unit 2 (RUI2) ang isang lalaki na itinuturing na Top 1 Most Wanted Person ng probinsya sa barangay Quezon, Solano, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang naaresto na si Alfredo Tuliao alyas “Abdul Jabbar”, 54 taong gulang, walang trabaho, residente ng Viernes Subdivision, Brgy. Quezon, Solano, Nueva Vizcaya at isang katutubo ng Brgy. Sta. Teresa, Iguig, Cagayan.
Inaresto si Tuliao sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng isang hukom dahil sa kasong panggagahasa sa pamamagitan ng pang-aabusong sekswal sa operasyon na isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng PNP Solano na pinangunahan ni PLT Roger Visitation, Intel PCO sa pamumuno ni PCPT Jet C Sayno, Officer In-Charge ng Solano PS at mga tauhan ng RIU2 sa pangunguna ni PCPT Arvin J Lacambra.
Dakong 10:25 ng umaga, April 1, 2021 nang maaresto ang nasabing suspek sa barangay Quezon sa ilalim ng COPLAN KAPATID.
Mayroong inirekomendang piyansa ang korte na halagang Php200,000.00 para sa pansamantalang paglaya ng suspek.
Sa kasalukuyan, nakapiit ang suspek sa Solano Police Station para sa dokumentasyon at pagsasa ayos.
Pinuri naman ni PCol Ranser A Evasco, Provincial Director ang mga nagsagawa ng nasabing operasyon para madakip ang mga kriminal upang pagbayaran ang kanilang kasalaban sa batas at sa lipunan.