Para kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, hindi sapat ang pagbibitiw ng mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pangunguna ni President and CEO Ricardo Morales.
Giit ni Drilon, dapat ay magpatupad ng malawakan o top-to-bottom reorganization sa PhilHealth na patuloy na nababalot ng isyu ng katiwalian.
Ipinaliwanag ni Drilon, na hanggang nananatili ang kabuuang structure ng PhilHealth ay mananatili rin ang katiwalian kung saan tila ginagawang personal ATM ng mga opisyal ang pondo ng ahensya kahit nasa gitna tayo ng pandemya.
Imumungkahi ni Drilon sa Senate Committee of the Whole na bigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na ipatupad ang reorganization sa PhilHealth at tiyaking mga honest and competent officials ang maitatalaga.
Diin ni Drilon, hindi dapat maipwesto sa PhilHealth ang mga tiwali at bulag o kumukunsinti sa mga nangyayaring korapsyon.