Top-to-bottom value reevaluation sa PNP, iginiit ni Senator Binay

Kasunod ng nangyaring pagpatay ng isang pulis sa mag-inang Gregorio sa Tarlac, iginiit ni Senator Nancy Binay ang pagsasagawa ng top-to-bottom value reevaluation sa Philippine National Police (PNP).

Diin ni Binay, habang tumatagal ay humahaba ang listahan ng mga paglabag mula sa ninja cops, mañanita cops, ex-cop na land grabber at illegal logger, berdugong pulis at kung ano-ano pa.

Buong taon aniya ay may nakahihiyang headline tungkol sa pulis kaya ang tanong ni Senator Binay, ano ang ginagawa ng liderato ng PNP.


Paliwanag ni Binay, malinaw na kailangan ng matinding across-the-board value reorientation sa buong hanay ng PNP natin, dahil tila nakakalimutan na ng marami ang sagradong tungkulin nila na maglingkod at protektahan kahit yung pinakaabang Pilipino.

Ayon kay Binay, dapat may structural and internal reforms kabilang ang pagpapatupad ng mas mahigpit na pagpapanagot sa mga abusado at tiwaling pulis.

Umaasa si Binay na si-seryosohin na baguhin ng PNP ang style at pag-uugali ng mga miyembro nito.

Facebook Comments