Bukas ang mga gobernador sa mga probinsya na luwagan ang restrictions para sa domestic air travel ng mga biyaherong fully vaccinated kontra COVID-19.
Sabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, nakipag-usap na sila sa mga local officials ng mga top tourist destinations sa bansa at bukas sila sa ideyang payagan ang mga airlines na magsakay ng mga pasahero kahit walang RT-PCR test.
Pero aniya, kinakailangan pa ring sumalang sa RT-PCR test ang mga unvaccinated passengers.
Giit ni Concepcion, hindi na isyu ang kakulangan sa suplay ng bakuna dahil 60 million doses ng Pfizer at AstraZeneca ang inaasahang darating sa bansa sa susunod na dalawang buwan.
Bukod dito, hiniling din niya sa COVID-19 task force na bawasan ang quarantine days para sa international travelers mula North America gayundin sa mga bakunadong overseas workers.
Isinusulong din ng mga airlines ang pag-aalis sa arrival cap para sa international travelers na kasalukuyang nakapako sa 2,000 kada araw.