Topacio, nababahala sa utos ng QuadCom na ilipat sa Correctional Institute for Women si Ong

Nababahala si Atty. Ferdinand Topacio sa mabilis na paglipat ng House Quad Committee (QuadCom) sa kliyente niyang si Cassandra Li Ong.

Sa isang statement, sinabi ni Atty. Topacio na isa itong paglabag sa utos ng Korte Suprema sa Ong versus Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa pagkilala sa due process sa mga contempt proceedings sa Kongreso.

Naninindigan si Topacio na may seryosong legal na mga kwestyon tungkol sa kung ang legislative branch ay maaaring mag-utos na ikulong si Ong sa isang pasilidad na pinamamahalaan ng Executive branch.


Ikinabahala ng legal counsel ni Ong ang pressure ng QuadCom upang ihalo si Ong sa mga convicted na sa mga kaso na bilanggo sa Correctional Institute for Women (CIW).

Lumalabag na aniya ang ilang mga mambabatas, partikular sa Constitutional presumption ng kawalang-kasalanan, ang pagbabawal na isailalim sa malupit at ‘di pangkaraniwang parusa ng mga inaakusahan.

Gayundin, ang kalayaan mula sa arbitraryong pagkabilanggo na itinatadhana ng Universal Declaration of Human Rights.

Nakakalungkot aniya ang pagsusumikap ng QuadCom na gawing miserable ang buhay ng mga taong hindi umaayon sa kanilang gawa-gawang paratang.

Facebook Comments