Total ban sa firecrackers, hindi isusulong sa Senado

Tiniyak ni Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa na hindi nila isusulong sa Senado ang total ban o tuluyang pagbabawal sa firecrackers at iba pang pyrotechnics devices.

Ayon kay Dela Rosa, ang kanilang itinutulak ay ang mahigpit na regulasyon sa pagbebenta, paggawa at pamamahagi ng paputok.

Kasama rin ang pagpapayag sa pag-angkat ng mga materyales para lang sa paggawa ng paputok at hindi kasama ang finished products na pailaw at paputok.


Diin ni Dela Rosa, ang binabalangkas nilang panukalang batas ay nakasuporta sa local manufacturers ng paputok, kaya walang dapat ipag-alala ang mga ito.

Paliwanag ni Dela Rosa, kailangan lang itong i-regulate para sa kaligtasan ng lahat tulad ng paglalaan ng mga Local Government Units (LGUs) ng lugar kung saan maaring magpaputok sa ilalim ng pangangasiwa ng technically skilled at lisensyado ng Philippine National Police – Firearms and Explosives Office.

Kaugnay nito ay pinaglalatag din ni Dela Rosa ang Department of Trade and Industry (DTI) ng road map para mapahusay ang Firecrackers and Pyrotechnic Industry.

Facebook Comments