
Isusulong ni Senator Raffy Tulfo ang “total ban” ng online gambling sa bansa kung saan maski ang mga online gamblings na accredited sa ilalim ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ay kasama rin sa ipagbabawal.
Ayon kay Tulfo, maghahain siya ng panukala sa susunod na linggo tungkol sa tuluyang pagbabawal sa lahat ng uri ng online gambling sa bansa.
Tinukoy ng senador na maituturing ng epidemya sa bansa ang online gambling at patuloy pa itong lumalala kaya panahon na para magtulungan na pigilan ang negatibong epekto nito sa komunidad.
Nababahala ang mambabatas sa pagkalulong ng mga bus at jeepney drivers sa online gambling kung saan ilan sa kanila ay nahuling naglalaro nito habang namamasada at kahit paslit ay natututong mangupit para makapagsugal sa online dahil madali lang itong ma-access gamit ang cellphone.
Bunsod ng lawak ng negatibong impluwensya at epekto ng online gambling sa mga Pilipino, nanawagan din si Tulfo sa PAGCOR na ipatigil na agad ang lahat ng advertisements sa online gambling kasama ang billboards, tv, radio, print at social media.
Naniniwala rin ang senador na maraming pwedeng pagkunan ang gobyerno sa P140 billion na kitang maaaring mawala kapag tuluyang ipinagbawal ang online gaming sa bansa.









