Ipapasara ng Philippine National Police o PNP ang mga pagawaan at tindahan ng paputok sakaling ipag-utos ito ni Pangulong Rodrigo Duterte ang total ban ng mga putok sa buong bansa.
Ginawa ni PNP Spokesman Police B/Gen. Bernard Banac ang pahayag matapos ang pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III na nais nilang magpatupad ng total ban sa bansa lalo ngayong nagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon ang halos lahat ng Filipino.
Sinabi ni Banac, marami ang nadidisgrasya dahil sa paggamit ng malalakas na paputok na humahantong pa sa pagkamatay.
Samantala, iniutos na ni PNP OIC Lt. Gen. Archie Gamboa ang mahigpit na pagpapatupad sa Executive Order 28 ng Pangulo na limitahan lamang ang paggamit ng mga paputok sa mga itinalagang lugar.
Utos pa ni Gamboa na palakasin din ang pagpapatupad ng Republic Act 7183 na nagbabawal sa pag-aangkat, paggawa, pagbebenta at paggamit ng mga iligal na paputok.
Batay sa datos ng PNP, mula sa 929 firecracker related incidents na naitala noong 2016, malaki na umano ang ibinaba nito sa pagpasok ng 2019 kung saan, nakapagtala lamang ng 307 kaso.
Umaasa silang mas mababa pa ito sa pagpasok ng taong 2020.