
Pinuri ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang hakbang ng Bangko Sentral ng Pilipinas na ihiwalay ang e-wallets mula sa online gambling sites sa loob ng 48 oras.
Ayon kay CBCP President Pablo Virgilio Cardinal David, bagama’t magandang simula ito ay hindi pa rin sapat ang simpleng regulasyon.
Kaugnay niyan, muli silang nanawagan ng total ban sa online sugal lalo’t malinaw naman aniya sa batas na bawal ang mga slot machine at pasugalan sa mga lugar na bukas sa publiko maliban sa mga accredited na hotel at resort.
Pero sa panahon daw ngayon, nasa cellphone na mismo ang sugal kung kaya’t kahit sino, kahit saan, bata man o matanda ay madaling maka-access, wala nang bantay at wala nang limitasyon.
Masyado na rin daw malaki ang epekto nito sa pamilya, sa kabataan, at sa mahihirap dahil ang mga ordinaryong tao ang nalulubog sa utang, adiksyon, at kawalan ng pag-asa kahit na bilyon-bilyon pa ang kita ng gobyerno mula rito.









