Hindi napag-uusapan na gawing total ban o tuluyang ipagbawal na ang paggamit ng vape products sa bansa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Usec. Ruth Castelo na aniyang isang industriya ang vape maliban pa sa isa rin naman itong lehitimong negosyo.
Aniya, kung sumusunod naman sa batas ang mga nagbibenta ng vape products, walang rason para sila ay tuluyang ipagbawal.
Sa kasalukuyan aniya ay hindi napapag-uusapan ang pagpapatupad ng total ban sa vape products.
Ang ginagawa ng DTI ngayon ay ang patuloy na pakikipagkasundo sa iba pang ahensiya ng gobyerno para sa kampanya laban sa mga bawal na vape products.
Ilan sa mga hakbang na ginagawa ng DTI ay ang paglalagay ng advocacy materials sa lahat ng istasyon o terminals ng mga pampublikong sasakyan, maging sa mga lugar na malapit sa eskwelahan at sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ito aniya ay para maturuan ang mga kabataan at ang publiko sa masamang dulot sa kalusugan ng vape products.