Iginiit ni House Committee on Foreign Affairs Chairperson at Pangasinan 3rd District Rep. Rachel Arenas ang pagpapatupad ng total deployment ban ng mga Overseas Filipino Worker o OFWs sa Kuwait.
Naniniwala si Arenas na ang entry ban ng gobyerno ng Kuwait para sa mga Pilipino ay paraan ng pag-pressure sa Pilipinas para alisin ang temporary ban sa pagpapadala natin ng household service workers sa naturang bansa.
Ugat ng nabanggit na temporary ban ang pangmamaltrato at pagpatay sa ilan nating mga kababayan sa Kuwait kabilang na si Jullibee Ranara.
Diin ni Arenas, dapat kondenahin at hindi natin dapat palampasin ang pagmaltrato at hindi makataong pagtrato sa ating mga OFWs.
Mungkahi ni Arenas sa pamahalaan, huwag magpadala ng OFWs sa Kuwait hangga’t hindi natitiyak ng Kuwaiti government na tutuparin nila ang ating mga demands – pangunahin ang maayos at makataong pagtrato sa ating mga kababayan.