Umapela si House Speaker Alan Peter Cayetano sa Department of Transportation (DOTr) na pag-aralan muna ang pagpapatupad ng total ban sa mga public transports sa Metro Manila.
Naunang sinabi dito ni Transport Assistant Secretary Goddes Libiran na kanilang pinag-aaralan at ng iba pang ahensya ng pamahaalaan ang total lockdown sa public transport dahil sa marami ang matitigas ang ulo.
Pero para kay Cayetano, hindi maaaring zero ang public transport dahil hindi naman lahat ay mayroong sasakyan.
Mahihirapan aniya dito ang mga nasa frontline ng paglaban sa COVID-19 tulad ng mga nasa medical services na wala namang sariling sasakyan.
Inihalimbawa ni Cayetano na kahit maging ang Italy ay operational ang kanilang train system sa gitna ng lockdown.
Kasama ang total ban sa public transport na paguusapan ng task force ngayong araw gayundin ang paglalatag ng contingency measures kapag naipatupad ito.