Marawi City, Philippines – Hindi pa masabi ng pamahalaan ang halaga ng pinsala na dulot ng nangyayaring bakbakan sa Marawi City.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Director Ricardo Jalad, possible pang umabot ng dalawang linggo ang gagawing assessment sa Marawi City upang malaman ang kabuoang pinsala na inabot nito dahil sa bakbakan sa pagitan ng Militar at ng Teroristang Grupo.
Paliwanag ni Jalad, kailangan munang matapos ang clearing operations ng militar bago magsagawa ng damage assessment ang mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan.
Sinabi pa ng opisyal na matapos ang assessment ay saka ilalatag ang mga plano para sa recovery at rehabilitasyon.
Possible naman aniyang abutin ng 10 bilyong piso ang pondong kailanganin para maibalik sa normal ang buhay ng mga residente ng Marawi City.