Total deployment ban, ipinatupad na sa Ethiopia… Repatriation ng lahat ng mga Pilipino roon, iniatas na sa mga ahensiya ng gobyerno

Ipinatupad na ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang total deployment ban para sa mga Pilipinong magtutungo sa Ethiopia.

Sa gitna ito ng nararanasang kaguluhan sa Ethiopia sa pagitan Tigray at iba pang katabi nitong rehiyon.

Sa ilalim ng Governing Board Resolution No. 12, Series of 2021 na nilagdaan ni POEA Governing Board chairman at Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, inatasan na ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na magkaroon ng plano kung paano papauwiin ang lahat ng Pilipino sa nasabing bansa.


Noong November 8, unang itinaas ng Department of Foreign Affairs ang Alert Level 4 sa Ethiopia.

Paliwanag pa ng United Nations, libo-libo na ang nasugatan dahil sa kaguluhan at 400,000 ang nakakaranas ng taggutom.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng Philippine Embassy sa Cairo, Egypt para mapauwi ang lahat ng Pilipinong nasa Ethiopia.

Facebook Comments