Iminungkahi ni Senator Raffy Tulfo ang “total deployment ban” sa Kuwait at unti-unting paglilipat sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) doon sa Guam.
Iginiit ni Tulfo na marapat lamang na magpatupad na agad ang gobyerno ng “total deployment ban” sa Kuwait matapos ang karumal-dumal na pagpatay sa OFW na si Jullebee Ranara.
Iginiit din ng senador na maaaring magpatuloy ang bilateral talks ng Pilipinas at Kuwait pagkatapos na ng deployment ban pero kailangang ikonsidera ang “terms and conditions” ng Pilipinas.
Kabilang sa kondisyon na nais isaalang-alang ni Tulfo ang pag-oobliga na magkaroon ng mahigpit na screening process at psychiatric exam sa mga employer pati na rin sa mga kapamilya o kasama sa bahay mula sa high-risk countries.
Inirekomenda rin ni Tulfo na unti-unting alisin ang mga OFW sa Kuwait at ipadala ang mga ito sa mga bansang ang mga kababayan ay tinatrato ng may respeto at may sapat na sahod.
Isa sa naisip ng senador na maaaring paglipatan ng mga OFW ay sa Guam na teritoryo ng Estados Unidos at mas pinipili ang pagha-hire ng mga Pilipino bilang kanilang mga manggagawa.