Manila, Philippines – Tiniyak ng Palasyo ng Malacanang na hindi isasantabi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kapakanan ng mga posibleng maapektuhan ng plano niyang pagsasabatas ng total ban sa mga paputok sa buong bansa.
Matatandaan na sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na sa Cabinet meeting noong Lunes ay sinabi ni Pangulong Duterte na gusto ni Pangulong Duterte na tuluyan nang ipagbawal ang fireworks at firecrackers.
Sinabi ni Roque, kaya gustong isabatas ni Pangulong Duterte ang total ban ay para magkakaroon ng malawakang konsultasyon sa mga stakeholders o ang mga direktang maaapektuhan nito.
Paliwanag ni Roque, sa pamamagitan ng konsultasyon ay malalaman ang mga posibleng alternatibong mapagkakakitaan o iba pang kabuhayan na maaaring ibigay sa mga mawawalan ng trabaho o negosyo.
Sinabi pa ni Roque na ang desisyon ni Pangulong Duterte ay base narin sa kanyang mga naging hakbang noong ito pa ang Mayor ng Davao City.