Total lockdown sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong, ipinatupad na; Brgy. Mauway, isasailalim din sa lockdown

Mistulang ghost town na ngayon ang mga lansangan sa Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong, malayong-malayo sa mga nangyayari kahapon.

Ayon kay Mandaluyong Chief of Staff Jimmy Isidro, alas-12:01 kaninang madaling araw ay nagsimula na ang total lockdown sa Barangay Addition Hills na tatagal hanggang Mayo a-13 kung saan lahat ng mga establisyemento, sarado. Kabilang na rito ang mga palengke at tindahan.

Paliwanag ni Isidro, ang mga hindi awtorisadong sasakyan, bawal pumasok at lumabas sa mga lagusan at mga Authorized Persons Outside of Residence o APOR lang ang maaring makalabas ng bahay tulad ng healthcare workers, mga kawani ng national at local government at iba pang essential workers.


Bago ang total lockdown sa Brgy. Addition Hills, nagkaroon muna ng briefing sa mga magpapatupad ng batas kung saan ang Mandaluyong Police at Philippine Army ang magbabantay ng seguridad sa lugar.

Babala naman sa mga lalabag sa batas, maari silang maaresto, makulong at magmulta sa ilalim ng Article 151 ng Resistance and Disobedience to Persons in Authority.

Bukod sa Barangay Addition Hills, sinabi ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos na base sa rekomendasyon ng City Health Department at mga miyembro ng City Epidemiology and Surveillance Unit, ay ilalagay na rin sa total lockdown sa mga susunod na araw ang Barangay Mauway.

Sa ngayon, 430 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Mandaluyong, 36 ang nasawi at 98 ang nakarekober na.

Facebook Comments