Total overhaul sa Party List Law sa halip na pagbuwag sa Party List System, iminungkahi ng isang political analyst

Iminungkahi ng isang political analyst na magpatupad ng total overhaul sa Party List Law sa halip na buwagin ang Party List system sa Kongreso.

Matatandaang nanawagan kamakailan si Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na administrasyon na i-abolish na ang party list system dahil ginagamit lang aniya ito ng mga makakaliwa para sirain ang gobyerno.

Samantala, ayon kay Prof. Michael Yusingco, mahirap kung i-a-abolish ang party-list dahil kakailanganin dito na amyendahan ang Konstitusyon.


Sa halip, dapat aniya na magkaroon ng reporma sa party list system upang maitama ang iba-ibang interpretasyon ng Korte Suprema.

“Ang trabaho ng Supreme Court kasi is really to try to make sense of what the law provides ano. Sometimes, ang tendency ng Supreme Court is really to overreach kaya nagkakataon na merong mga Supreme Court decisions na papalit-palit which is what has happened in the party list system,” ani Yusingco sa panayam ng DZXL 558 RMN Manila.

“Kaya nga para sa’kin, talagang kailangan magsimula tayo with the total overhaul of the party list law ‘cause that’s will really correct kung ano yung mga flip flop na nangyari sa Supreme Court,” dagdag niya.

Kaugnay nito, pabor din si Yusingco na pataasin ang porsiyentong dapat makuha ng isang party-list mula sa kabuuang bilang ng mga boto para maka-secure ng puwesto.

Sa pamamagitan aniya nito ay tanging mga genuine political parties lamang na mayroong mga seryosong prinsipyo, adbokasiya at plataporma ang makakapasok sa Kongreso.

“Kung talagang, if we follow the strict proportional representation formula, kung ilan ang mapanalo ng political parties, they will win corresponding number of seats,” saad niya.

“That kind of system will force political parties to really organized, ang really be serious ‘no, be genuine democratic political parties kasi they are now competing for number of seats e. Totally opposite sa nakikita natin ngayon, kung sinu-sino na lang party list groups ang nagsusulputan ano,” punto pa niya.

Gayunpaman, aminado ang political anaylist na hindi maaasahan ang mga mambabatas na gumawa ng reporma sa party list system dahil nakikinabang sila rito.

Facebook Comments