
Nasa tamang landas ang gobyerno para maabot ang target na kita sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Ito ang tiniyak ng Department of Finance (DOF) kung saan mula 2022 ay umaabot sa halos 14 percent ang naitalang paglago bawat taon.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, maayos ang takbo ng pananalapi ng bansa kung saan tuloy-tuloy ang pag-akyat ng koleksyon sa buwis na nasa 11% kada taon.
Noong 2024, nakapagtala raw ang gobyerno ng pinakamataas na kita sa loob ng mahigit dalawang dekada.
Kaugnay nito, sinabi ng DOF na inaasahang tataas pa ng higit 10% kada taon ang revenue mula sa buwis kaya’t posibleng umabot sa halos P6 trillion ang kabuuang kita ng gobyerno sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Pinalalakas pa ito ng mga bagong batas gaya ng VAT sa online services at Capital Markets Efficiency Promotion Act at mga panukalang batas sa minahan at tax amnesty na inaasahang makakadagdag pa ng kita.
Bukod dito, kumikita rin ang gobyerno mula sa dibidendo ng Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCCs) at pagbebenta ng mga hindi nagagamit na ari-arian ng estado na layong makalikom ng pondo nang hindi na nagpapataw ng bagong buwis.
Sabi ni Recto, mas pinalalakas din ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Customs ang kanilang sistema gamit ang digital technology, kaya masisiguro nito na hindi nasasayang ang kita ng pamahalaan.









