Manila, Philippines – Naghihinala ang Liberal Pary o LP na may layunin ang administrasyong Duterte na lituhin ang publiko sa pamamagitan ng hindi magkakatugmang mga mensahe ukol sa planong deklarasyon ng revolutionary government.
Sa press statement ng LP, lumalabas na binabago ng mga tagapagsalita ng Pangulo at iba pang opisyal ng executive department ang pahayag ng Pangulo ukol sa revolutionary government.
Kaya apela ng LP sa gobyerno, sabihin nang walang pasubali na hindi ito magdedeklara ng isang revolutionary government upang matuldukan na ang agam-agam ng mamamayan.
Diin ng LP, ang usapin ukol sa bantang revolutionary government ay pagmaliit sa katapangan at sakripisyo ng ating mga bayani, tulad ni Gat Andres Bonifacio na lumaban para sa kasarinlan at kaayusan sa lipunan, at demokrasya na ngayon ay tinatamasa ng mga Pilipino.
Giit pa ng LP, hindi kailangan ang revolutionary government dahil kayang solusyunan sa ilalim ng ating konstitusyon ang nagaganap sa bansang kaguluhan, destabilisasyon, o tangkang pagpapatalsik na idinadaing ng administrasyon.