‘Tour Scam’, mahigpit na tinututukan ng PNP Anti-Cybercrime Group ngayong Holiday season

Mahigpit na binabantayan din ng Philippine National Police – Anti Cybercrime Group o PNP-ACG ang tinatawag na ‘tour scam’ maliban sa mga iligal na nagbebenta ng paputok online at iba’t iba pang modus ng mga kawatan

Ito’y ayon sa ACG dahil sa inaasahang kaliwa’t kanan ang booking sa social media ng mga Airbnb, Hotel, Resort at staycation houses para doon salubungin ang Bagong Taon.

Kapansin-pansin kasi sa mga social media platform ang ginagawang legit checking ng ilan nating kababayan sa mga indibidwal na kanilang nakakausap hinggil sa mga lugar kung saan nila nais manatili ngayong Holiday season.


Gayundin sa mga nagpapakilalang ahente ng mga travel agency na bagsak presyo kung mag-alok ng mga tour package gayundin ng airline bookings gamit ang sarili nilang social media account.

Ayon kay PNP-ACG Cyber Response Unit Chief PCol. Jay Guillermo, dapat maging mapanuri ang publiko sa mga katransaksyon sa online lalo’t hindi sila nakasisiguro sa tunay na pagkakakilanlan nito

Magugunitang naglabas na rin ng paalala ang Antipolo City Police sa tinawag nilang Staycation Modus kung saan, ninanakawan naman ng mga nagpapanggap na kliyente ang mga staycation house na kanilang tinutuluyan.

Facebook Comments