Tourism Department, nanawagan sa mga turista na huwag ikansela ang kanilang pagbisita sa Cebu

Tiniyak ng Department of Tourism (DOT) na mananatiling bukas ang Cebu para sa turismo.

Bagaman nakaapekto ang mga nagdaang kaganapan, kabilang ang Super Typhoon Uwan, malawakang pagbaha dahil kay Bagyong Tino, at ang magnitude 6.9 na lindol sa baybayin ng Bogo City, ay operational pa rin ang mga pangunahing lugar at pasilidad panturismo sa lalawigan.

Ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, matatag pa rin ang diwa ng pagiging magiliw ng mga Cebuano.

Patuloy umano silang tumatanggap ng mga bisita habang isinasagawa ang malawakang rehabilitasyon sa mga apektadong lugar.

Ito’y upang makapagbigay ng kabuhayan, trabaho, at pag-asa sa buong komunidad.

Inaanyayahan din niya ang travel partners na ituloy ang mga nakatakdang pagbisita at inaugural flights patungong Cebu.

Nilinaw naman ng DOT na bukas at ligtas pa rin ang mga pangunahing lugar ng Cebu City tulad ng business districts at resort corridors sa Mactan Island.

Facebook Comments