Pinagso-sorry ni Senator Nancy Binay si Indonesian Tourism and Creative Economy Minister Sandiaga Uno sa bansa matapos nitong i-claim na sa Indonesia ang palayan na ipinakita sa tourism promotional video ng Department of Tourism (DOT).
Lumabas kasi ang isang artikulo kung saan nagkomento si Uno na mukhang Indonesian scenery ang palayan na ipinakita sa video sa gitna ng dinner na hinost ng Pilipinas sa idinaos na event ng United Nations’ World Tourism Organization (UNWTO) sa Cambodia.
Sa pagdinig ng budget ng DOT sa Senado, nanindigan si Tourism Secretary Christina Frasco na ang video na ipinalabas sa dinner na hinost ng bansa sa UNWTO ay sariling gawa at hindi sila gumamit ng alinmang footage mula sa kontrobersyal na promotional video ng tourism slogan na “Love the Philippines”.
Dagdag pa ni Frasco, ang layunin din ng ipinalabas na video sa gitna ng hapunan ay para ipakilala ang Cebu bilang susunod na host sa joint commission meeting ng UNWTO sa 2024 kaya walang larawan ng rice fields o terraces dito.
Para kay Binay, ang mga pahayag ni Uno ay sobrang nakakainsulto at sobrang nakakasira sa promotion efforts ng turismo sa Pilipinas kaya marapat lamang na magdemand ang DOT ng sorry mula sa kanila.
Inatasan ni Binay ang DOT na sumulat kay Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo para pormal na manawagan kay Uno na itama ang nauna nitong pahayag tungkol sa tourism promotional video ng Pilpinas.