Umapela si Quezon Rep. Reynan Arrogancia na isama na rin sa ‘fuel subsidy’ ng pamahalaan ang mga tourism shuttle operator.
Sa kasalukuyan kasi ang mga benepisyaryo ng ‘fuel subsidy’ ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay ang mga PUV driver tulad ng jeepneys, mini buses, UV express, taxis at tricycles dagdag pa rito ang mga transport network vehicle service (TNVS), motorcycle taxis at delivery services.
Binigyang-diin ni Arrogancia na tulad sa mga PUV driver, nahihirapan din sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga produktong petrolyo ang mga tourism shuttle operator.
Malaking tulong aniya sa pagbangon ng sektor ng turismo kung sila ay maisasama sa mga benepisyaryo ng fuel subsidy.
Bagama’t naniniwala ang kongresista na makabubuti sa negosyong panturismo ang pagtaas ng dolyar kontra piso, nababawi naman ito sa napakataas na fuel costs ng mga imported oil at petroleum products.
Partikular na nananawagan ang mambabatas sa Department of Transportation (DOTr), Department of Finance (DOF), Department of Tourism (DOT), Department of Budget and Management (DBM) at sa Department of Agriculture (DA) na humanap ng paraan para sa mas malawak na fuel subsidies sa mga entrepreneur ng transport sector.