Bumagsak ng 73% ang foreign tourist arrivals sa bansa sa unang pitong buwan ng 2020 bunga ng nagpapatuloy na global health crisis.
Ayon kay Department of Tourism (DOT) Undersecretary Benito Bengzon Jr., nakapagtala lamang sila ng 1.3 million foreign visitors mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon, mababa kumpara sa 4,857,107 foreign tourist arrivals sa kaparehas na panahon noong 2019.
Aabot lamang sa P81 bilyon ang nalikhang revenue sa unang pitong buwan ng taon.
Malinaw aniya na matinding naapektuhan ng pandemya ang sektor ng turismo resulta ng mga ipinatupad na travel restrictions.
Sinabi ni Bengzon na nakatuon ngayon ang DOT sa pagbuhay ng domestic tourism kung saan ang ilang local tourism sites ay bubuksan eksklusibo para sa mga residente at mga nakatiral sa mga katabing lalawigan.
Tiwala ang DOT na mapapabilis ng domestic tourism ang pagbagon ng industriya.