Higit doble ang itinaas ng tourist arrivals sa bayan ng San Nicolas noong 2025 matapos maitala ang kabuuang 186,628 bisita, kumpara sa 90,726 lamang noong 2024, ayon sa datos ng Municipal Tourism Office.
Ang naturang bilang ay nagmula sa tatlong pangunahing destinasyon ng bayan, ang Malico, Agpay Eco Park, at Puyao Picnic Grounds, na pawang dinarayo ng mga turista lalo na tuwing peak seasons.
Nanatiling nangungunang destinasyon ang Malico, na kilala bilang Barangay Summer Capital of Pangasinan, habang nagtala rin ng all-time high tourist arrivals ang Agpay Eco Park at Puyao Picnic Grounds, partikular tuwing Holy Week at iba pang bakasyon.
Ipinaliwanag ng Municipal Tourism Office na mas mababa ang bilang noong 2024 dahil hindi pa naisama sa ulat ang Puyao River Picnic Grounds at Christmas in the Park bunsod ng pagiging seasonal ng mga ito.
Noong 2025, isinagawa ang mas komprehensibong pag-uulat na nagbigay ng mas malinaw na larawan ng aktwal na dami ng mga turistang bumibisita sa bayan.
Sa patuloy na pagdami ng mga bisita, inaasahang lalakas pa ang lokal na ekonomiya at mas maraming kabuhayan ang mabubuksan para sa mga residente ng San Nicolas.









