Nagbaba ng direktiba si Police Regional Office 1 Regional Director, Police Brigadier General Emmanuel B Peralta sa lahat ng Chiefs of Police na may mga tourist destination sa kanilang nasasakupan na i-activate ang kani-kanilang tourist police units.
Ito ay dahil sa inaasahan ang pagdagsa ng mga lokal at internasyonal na turista sa mga susunod pang mga araw na magtutungo sa mga sikat na pasyalan.
Sa kasalukuyan ay nasa alert level 2 ang rehiyon at maaaring magpatuloy ang pagbaba nito sa alert level 1.
Sa kabila nito ay asahan din na patuloy ang pagpapatupad ng minimum public health protocols at pagsawata sa krimen.
Samantala, ipinag-utos din ni RD Peralta sa mga Tourist Police na iwasan ang pagdadala ng mahabang baril at gumamit lamang ng pistola sa pagpapatrolya.
Ang nasabing police operations at deployment ay preparasyon na rin sa mga darating na aktibidades para sa 2022 National and Local Elections.
Sa kaparaanang ding ito ay nais maitaguyod ng PRO1 ang wastong pagsunod sa health protocol kasabay ng pagbibigay ng seguridad sa ating mamamayan. | ifmnews