Manila, Philippines – Isinusulong ng Ecowaste Coalition ang toxic-free balik eskuwela.
Ayon kay Thony Dizon, coordinator ng Ecowaste, mayroong mga school supplies na ginamitan ng lead, isang kemikal na nakakaapekto sa utak.
Aniya, nagsagawa sila ng test buy sa iba’t ibang tindahan sa Baclaran, Divisoria, Guadalupe at Monumento na puntahan ng mga magulang na nais makamura sa kanilang bibilhin bilang paghahanda sa pasukan sa Hunyo 5.
Bumili ang Ecowaste ng mga backpack bag, lunch bag, baonan ng tubig, at iba’t ibang stationary item upang masuri sa kanilang x-ray fluorescence device.
Sa 55 school bag na kanilang binili, 21 ang mayroong mataas na lebel ng lead.
Una nang ipinalabas ng Department of Education ang department order 4, series of 2017, na nagbabawal sa paggamit ng mga pintura na may lead sa mga pampublikong paaralan.
Bukod sa utak, ang lead ay nakakasira rin sa central nervous system kung saan maaari itong magresulta sa coma, convulsion at kamatayan.
Ang lead ay kabilang sa “Ten Chemicals of Major Public Health Concern” ng World Health Organization.