Trabahador na Wanted sa 4 Beses na Panggagahasa sa Menor de Edad, Arestado!

168

Cauayan City, Isabela- Natimbog na ng mga alagad ng batas ang isang lalaki na wanted sa kasong statutory rape sa bisa ng isilbing warrant of arrest sa Batac City, Ilocos Norte.

Sa pinagsanib na pwersa ng Ballesteros Police Station at Batac City Police Station ay nadakip ang akusado na kinilalang si Danilo Padiyayon, 34 taong gulang, laborer, tubong Sta Ana, Cagayan at kasalukuyang naninirahan sa Batac City.


Si Padiyayon ay nahaharap sa kasong apat (4) na beses na panggagahasa sa menor de edad na naitala noong taong 2017.

Posibleng hindi na makalabas ng kulungan ang naturang akusado dahil walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Dinala sa himpilan ng Batac City Police station ang akusado para sa dokumentasyon bago ipinasakamay sa PNP Ballesteros.

Facebook Comments