Manila, Philippines – Nasa 400 na mga Pinoy nurse ang kailangan ng bansang Germany.
Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), ang pagkuha ng mga Filipino nurse ay bahagi ng “triple win” project, isang government-to-government program sa pagitan ng Germany at POEA.
Sasahod kada buwan ang bawat nurse ng 1,900 euro o halos P118,000 at maaari pa itong tumaas ng hanggang 2,300 euro o higit P142,000.
Ang aplikante ay dapat Pilipino na may permanent residence sa bansa, nursing degree, lisensiya sa pagka-nurse, at karanasan sa pagtatrabaho sa ospital, rehabilitation center o care institutions.
Dapat ay willing rin sumailim sa German language proficiency training sa Oktubre at Nobyembre ang mga aplikante na sasagutin ng mga employer.
Sa mga matatanggap, babayaran ng employer ang visa at airfare papuntang Germany.
Sa mga nais mag-aplay, maaaring magparehistro sa website ng POEA o personal na magsumite ng mga rekisito sa tanggapan ng POEA.
Sa Agosto 17 ang deadline ng pagpapasa ng aplikasyon sa POEA Central Office sa Mandaluyong at Cebu, habang Agosto 14 naman sa ibang POEA regional offices.