Manila, Philippines – Libu-libong trabaho sa Japan para sa mga Pinoy ang nakatakdang magbukas sa Setyembre.
Ayon kay Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Bernard Olalia, makukuha na nila sa unang linggo ng Setyembre ang mga job order kung ilang manggagawang Pinoy ang kakailanganin sa Japan.
Anya, bahagi ito ng Technical Intern Training Program (TITP), isang bagong deployment scheme kung saan kukuhanin ang isang manggagawa bilang trainee.
Idadaan aniya ang pagproseso sa mga aplikante sa 188 pribadong recruitment agency na in-accredit ng POEA para sa TITP.
Nabatid na may 77 uri ng trabaho ang kailangan sa ilalim ng TITP gaya ng caregiving, construction, textile at machinery ayon sa POEA.
Nagpaalala naman ang POEA sa mga nais mag-aplay na kailangan nilang makapasa sa language exam.