Trabaho ng Budget Amendments Review Subcommittee ngayong araw, tuloy kahit suspendido ang pasok sa Kamara

Dahil sa inaasahang pananalasa ng Super Typhoon Nando at hanging habagat ay suspendido rin ang pasok sa Kamara ngayong araw.

Pero base sa memorandum na inilabas ni House Secretary General Reginald Velasco, tuloy ang trabaho ng Budget Amendments Review Subcommittee ng House Committee on Appropriations.

Ayon kay Committee Chairperson at Nueva Ecija Rep. Mika Suansing, tatalakayin ng subcommittee ang mga pagbabago sa panukalang 2026 national budget bago ito ipresenta at pagdebatehan sa plenaryo ng Kamara simula bukas, September 23.

Diin ni Suansing, titiyakin ng Budget Amendments Review Subcommittee na makatwiran at hindi kung ano ano lang ang mga pagbabago sa panukalang pambansang budget.

Bukod dito ay inaatasan din ng memorandum ni Velasco na mag-report sa trabaho ang mga essential personnel, upang matiyak na magpapatuloy ang mga kritikal na operasyon o serbisyo sa Kamara.

Facebook Comments