
Tiniyak ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na anuman ang mangyari ay nananatiling nakatuon ang Kamara sa tungkulin nitong maglingkod sa bayan.
Ayon kay Dy, ang pananagutan ay bahagi ng pagiging lingkod-bayan kaya’t lahat ng mga kongresista iniimbestigahan man o hindi ay handang makipagtulungan sa anumang proseso habang patuloy na ginagampanan ang kanilang papel bilang mambabatas.
Binigyang-diin ni Dy na ang kapakanan ng sambayanang Pilipino ang pangunahing prayoridad ng Kamara, kaya gagawin nila ang lahat ng kinakailangan upang paglingkuran ang publiko nang tama at tapat.
Pahayag ito ni Dy kasunod ng rekomendasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Ombudsman na kasuhan ang walong kongresista habang marami pa ang patuloy na iniimbestigahan.
Muli, binanggit ni Dy na iginagalang ng Kapulungan ang mandato ng ICI kaya makikipagtulungan sila nang walang alinlangan sa lahat ng imbestigasyon, kaakibat ang paniniwalang ang katotohanan ay hindi dapat ikinukubli at ang mga may pananagutan ay dapat managot.









