Tiniyak ni Department of Science and Technology (DOST) Sec. Fortunato de la Peña na hindi maaapektuhan ng “budget cut” ang trabaho ng mga tauhan sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) partikular na sa pagbibigay ng weather forecast.
Sa budget hearing ng House Appropriations Committee, sinabi ni De la Peña na mula sa P1.8 billion na pondo ng PAGASA ngayong taon, bumaba ito sa P1.3 billion sa 2022 budget.
Pagtitiyak nito, mapapanatili ng PAGASA ang maayos at “accurate” weather forecasts.
Magkagayunman, inihirit ng mga kongresista na maitaas ang pondo ng DOST sa 2022.
Aminado kasi ang kalihim na bagama’t patuloy na makapagbibigay ng tamang pagtaya ng panahon ang PAGASA ay apektado naman ng tapyas sa pondo ang modernisasyon ng tanggapan.
Ayon kay PAGASA Administrator Vicente Malano, P3.048 billion ang hiling nilang budget pero hindi ito naaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) kahit ang pondo para sa mga proyekto gaya ng imprastraktura.
Ang DOST ay mayroong panukalang P24 billion para sa susunod na taon mula sa P42 billion na hirit ng kagawaran sa DBM.